Monday, September 19, 2005

Wala akong gustong sabihin.

Your Inner Child Is Surprised

You see many things through the eyes of a child.
Meaning, you're rarely cynical or jaded.
You cherish all of the details in life.
Easily fascinated, you enjoy experiencing new things.


Abala ako ngayon sa isang raket: pagta-transcribe ng interview na ni-record ng isang kaibigan ko para sa thesis. Natotorete na ang tenga ko sa salitang "parang", "ganun", at "ano". Grrr. Kung merong Secretary nagta-transcribe ng mga sinasabi (at di natin sinasabi) sa isa't isa araw-araw, kakayanin kaya niya ang bigat ng bawat uniberso?

xxx

Bakit wala nang As Told By Ginger sa Nickelodeon?

xxx

Alam n'yo bang apat lang ang bantay natin sa Isla Lawak, isa sa Spratly's Islands na pagmamay-ari (pa) ng Pilipinas? Samantalang ang China at Taiwan, merong malaking armada ng mga bantay. Tsktsk. Kelangan natin ng Darna.

xxx

Sabi sa Mummy Detectives ng National Geographic Channel, April 17th 6 BC ang totoong araw ng kapanganakan ni Kristo. Ibig sabihin Aries ang zodiac sign niya. Ibig sabihin ka-bertdey niya ang kaibigan kong si Jaclyn "Queen Macopa" Qua Hiansen.

xxx

Dapat talaga hindi ka nagba-blog kapag wala kang gustong sabihin.

Saturday, September 17, 2005

Ang saya ng bertdey ni Sarakebs a.k.a. Flafla kagabi! Matapos ang yummy Eggplant Parmigiana Pasta at Veggie Pizza (yep, vegetarian na talaga ata ang lola), dumeretso kami ng Mini Stop para bumili ng beer, tubig, at pulutan! Sa kasamaang palad, walang Cerveza Negra kaya nauwi ako sa aking second choice: San Miguel Strong Ice. Dumiretso kami doon sa isa sa mga biglang sumusulpot na hardin sa Greenbelt. Naglatag kami ng banig (na ninenok sandali sa Ayala Museum) at nagpiknik under the uh, clouds dahil kahit humupa na ang ulan, wala pa ring bituin sa kalangitan.

Sinong mag-aakalang matapos ang dalawang taon, dadalhin namin sa Greenbelt ang piknik na ginagawa namin noon sa Ateneo?

Tulad ng inaasahan, masarap ang kuwentuhan. Lalo pa’t maraming napag-uusapan. Dalawang taon ba naman na di magkita/magkausap ng matino, eh. Ewan ko na lang kung mauubusan pa kayo ng paksa. Marami na rin nagbago sa amin. Meron nang suma-sideline sa pagiging rakstar. Meron nang frat boy. Merong sumisikat na nude model. Merong nagbabalak pumunta abroad para mag-aral at magtrabaho. Merong humuhusay sa graphic design. Merong nagbabalak sumali sa Game Ka Na Ba (hehe, hulaan kung sino). Pero lahat kami masaya. Tunay na biyaya iyon, hindi ba? Biyaya na talagang dapat ipagdiwang kasama ang mga mahal na kaibigan. (letse, bakit nagkakaroon ng internal rhyme ang entry na ‘to?)

Anyway, bago tuluyang umuwi si Inday sa Cagayan de Oro, itutuloy namin ang matagal nang binabalak na Girls Night. Magba-bar hopping kami sa Greenbelt tapos magsasayaw at iinom ng beer! Yehey! Ang totoo, hindi ko naman talaga trip masyado ang Greenbelt scene. Tingin ko pare-pareho halos yung mga tumatambay dun. Pare-parehas ang musika. Pare-parehas ang suot. Halos pare-parehas na rin ang mukha. Paborito ko pa rin talaga ang 70s Bistro kahit tumutugtog na si Paolo Santos dun. Pero tiwala naman akong mag-e-enjoy ako maski saan kapag sina Inday ang kasama ko. Basta mga kaibigan ko ang kasama ko. At syempre, alam ko namang isa sa mga weird na ugali ko rin ang maging Game sa lahat ng bagay. Puwede mo akong kaladkarin sa dance floor para sumayaw ng hiphop. Puwede akong makipagpaligsahan sa pagkain ng wasabi. Puwede akong lumapit kay Caesar Montano para humingi ng autograph.

Game!

Sa susunod na Friday, I’m In Love abangan natin kung anong mga misadventures ang maitatala ko rito.

xxx

Karamihan sa mga kakilala ko ipinanganak ng September-October. Mga Virgo at Librans. Noon ko pa ipinagtataka ito, eh. Mula pa noong kinder na sunud-sunod ang blow-out ng mga kaklase kong September-October celebrants. Tapos noong napuno ng paghahanda sa mga debut ang weekends ko noong September-October 2000. Ano nga kayang meron sa September-October at ang daming nagbebertdey?

Matapos ang dalawang taon sa pagtatrabaho, tantya ko alam ko na ang sagot.

Kung September-October ka ipinanganak, malamang binuo ka ng mga magulang mo ng mga huling araw ng Disyembre, buwan ng Enero, o buwan ng Pebrero. Kung tutuusin, kung abala ka sa trabaho, meron ka lang talaga oras para mag-sex ng matino tuwing Christmas Break at Enero dahil wala pa masyadong trabaho sa unang buwan ng taon. Pebrero naman ang Valentine’s Day kaya buwan talaga ito ng romansa. Merong sense ang teoryang ito, ‘di ba?

xxx

Napanood ko kaninang madaling araw sa CNN Connect ang talakayan tungkol sa debt relief sa Africa. Andun sina beauteous Queen Rania ng Jordan, Bill Clinton, Paul Wors(blahblah) na Presidente ng World Bank, ‘yung African woman na nanalo ng Nobel Prize for the Environment, (mehn, ang hina ng utak ko sa pangalan) Jeffrey Sachs, at siyempre si Bono. Isa sa mga isyung tinalakay tungkol sa debt relief ang sustainability. Gaano kahalaga ang role ng local government sa tagumpay ng eradication of poverty? Kakayanin ba ng G8 ang cost ng debt relief? Feasible ba ang layunin ng proyektong ito? Oo. Tulad nga ng sinabi ng host, ang totoong tanong ay hindi kung kaya o hindi. Ang totoong tanong ay kung Gusto Natin Itong Gawin.

Sana hindi lang maging slogan ang pagtulong sa kapwa.

Natutuwa ako kasi ang lakas ng promotion ngayon ng Make Poverty History. Pero matapos ang dalawang taon na paglilibot sa mahihirap na lugar sa Pilipinas, alam kong hindi sapat ang mabuting intensyon. Kailangan ng mga taong magiging seryoso sa pagpapatupad ng mga proyekto para magkaroon ng saysay ang mabuting intensyon. Sa ngayon, high na high ang mga tao sa pagsusulong ng debt relief. Pati nga Pilipinas, gumagawa ng sariling bersyon ng Make Poverty History (‘Yung ad kung saan pumipitik ng daliri sina Kristine Hermosa?). Pero tama si Paul Wors(blahblah) ng World Bank. Simula pa lang ang debt relief. Ang magdidikta pa rin ng pag-ahon ng mga Third World countries sa kahirapan ay ang kanilang mga pamahalaan. Kung paano ibabahagi ng tama ang resources, kung paano gagawa ng policies para pangalagaan ang karapatan ng local industries sa international trade, kung paanong di tatambakan ng G8 ng excess manufactured goods ang Third World markets.

Sana makilala ko si John Kenneth Galbraith. Siya pa lang ang nababasa kong ekonomistang buhay na naiintindihan ko. Ayos din sana si Thorstein Veblen na nagsulat ng Theory of Leisure kaso matagal na siyang umuwi sa mga bituin.

Tangina, ang dami ko pang hindi maintindihan. Ang sarap mabuhay.

Thursday, September 15, 2005

Friday, I'm in Love!

Mabilis na entry lang dahil marami pa akong aasikasuhin (yeheees, busy!).

Maraming nangyayari sa Pilipinas ngayon.

Noong Lunes, napabalitang yumao na si Haydee Yorac. Naalala ko bigla yung sinabi ni Gerry (na “gerryberry” ang pangalan sa phone book ko dati— ha-ha!). Astig maging Senador si Yorac. Matino siyang pulitiko, pero hindi marketable. Di ko sigurado kung si Gerry-o din ang nagsabi sa akin na kapag nakikita niya si Yorac gusto niyang habulin ng suklay. Well, wala nang hahabol sa kanya ng suklay ngayon. Kinalbo na siya ng kanser. Ovarian Cancer. (Shit, sayang ang ovaries!)

Noong Martes, nagsimula ang pagbuhos ng ulan tuwing hapon (2:00 p.m. onwards). Meron daw pinaplanong malaking rally ang pro-impeachment team. Sinabi ni Daddy na umiikot (na naman) ang panty ng nanay ko kina Chiz Escudero at Allan Peter Cayetano. Mga batang nag-iisip kasi. Kailangan daw i-encourage na hawakan ang pulitika sa Pilipinas. (Okay.) Itatanong pa ba kung kanino napulot ni Daddy ang compound word na “ikot-panty”? Narinig niya sa akin habang nanonood ako ng video (“Change”) ni Jett Pangan at The Dawn. Lintek, I’m a shameless fan!

Miyerkules, bertdey ng kaibigan kong si Adrienne Kristi alias “K”/ “BongK”/ “Kaikeyi” / “Kraikeyi” na kaibigan ko mula pa elementary. Napabalita rin na i-a-auction na ang mga alahas ni Imelda Marcos at lilipad dito ang mga expert sa Christie’s Auction para estimahin king magkano ang mga iyon. Syempre nagproprotesta ang lola. Magtagumpay kaya siya? Hmn. Bumuhos na naman ang matabang ulan pagdating ng hapon. Nakabili ako ng maraming libro (see previous entry). Naglakad sa anakngpasig na baha.

Huwebes, buong araw umulan. Dahil tinopak, gumawa kami ng roommate ko ng Kajologan-Sa-Ulan Medley: 1. ‘Yung kanta ni Donna Cruz na ang linya ay “Rain gently falls/whenever we say goodnight/...there’ll be no sunshine in my life until you say you’re mine! You’re mine! Somebody owns your heart/ it can never be mine!” (nauso ‘to nung Grade 3 ako. Anong title nito?) 2. “Kung Liligaya Ka Sa Piling Ng Iba” ni Eva Eugenio (na hindi na niya makanta ngayon dahil sira na ang kanyang boses), 3. “O, Giliw Ko! Miss na Miss Kita!” da April Boys version (noong kasama pa ni April Boy ang kapatid na si Ringgo), at 4. “I Love You Boy” ni Timmy Cruz. Heeheehee! Napabalitang lampas-tao na ang baha sa Muntinlupa dahil sa hindi paghupa ng ulan. Dismayado ang roommate kong taga-CEU dahil hindi pa rin cancelled ang klase sa U-Belt.

Biyernes, bertdey ng kaibigan kong si Sarakebs! Haburdi, Flafla! Kitakita tayo mamaya. :) nalaman kong uuwi na rin ng CDO for good ang kaibigan naming si Lia Fernando (Indaylia! Mamimiss kita!). Nabalitaan ko ang promo ng 103.5 K-Lite para sa U2 Concert sa Madison Gardens, NYC sa October 8. Dalawang suwerteng U2 fans ang makakapunta ng libre sa concert. Hindi ko alam kung sagot na nila ang accomodations at plane ticket. Pero makakausap mo raw ang buong banda backstage! Lintek! Kelangan lang ikaw ang maging 11th caller nila sa 633-1915 (teka, ‘yun nga ba ang telepono?) tapos sabihin mo ang magic words: “K-Lite 103.5, I’m gonna see U2 LIVE!”. Tapos magpapatugtog sila ng excerpt ng U2 song na dudugtangan mo. O, kitam? Easy! Hindi nga lang ako makasali kasi kelangan US visa holder ka. Mehn. Kelan ba pupunta ang U2 sa Pilipinas? Third World din naman tayo, ah. Puwede bang sulatan ko si Bono tapos hilingin na mag-concert siya rito dahil dumarami na ang naghihirap niyang fans sa Pilipinas?

Hindi ako makakauwi ng Lucena ngayon. Di raw makadaan ang mga sasakyan sa South Super Highway. Naglalangoy daw ang mga kalabaw sa Susana Heights.

Pero kahit malakas ang ulan, masaya ako. Tumutugtog sa utak ko ngayon ang “Friday, I’m In Love!” ng The Cure. The Best. Naliligo na ang buong Maynila. Nananabik ako sa mga bagong simula. :)

Wednesday, September 14, 2005

Dogeaters sa Shampoo Planet

Nararanasan naman ng lahat ang ganitong araw. Yung tipong gelatin ang mga paa mo habang naglalakad sa init ng araw dahil Kailangan Mong Maglakad. Tapos kung gelatin ang paa, kaning malagkit naman ang katawan na ayaw iwan ang kumot na nakabalot sa katawan kawangis nung dahon ng saging sa palitaw. Palitaw na ibinebentang mahal sa sidewalk ng Ayala. Sidewalk sa Ayala na ipinapaalala sa iyo kung gaano ka kalayo sa iyong kama.

Malagkit at mainit talaga ang araw ngayon. Sinong mag-aakala na pagsapit ng dapit-hapon, magpapalit ng bihis ang panahon?

Nasa Megamall na ako noong bumuhos ang matatabang patak ng ulan. Hinahanap ko yung nobelang Dogeaters ni Jessica Hagedorn. Noong UP Workshop (apat na taon na pala ang nagdaan!), sinabi ng isang panelist na magandang basahin ko iyon para makita ko kung paano ginagawa ang pag-iiba ng boses ng mga tauhan sa isang istorya. Ang problema kasi sa trabaho ko noon, lahat ng tauhan ko magkakatunog. Schizophrenic. Parang kumakausap lamang ako ng salamin. Well, di ba sa isang banda isang uri nga ng pananalamin ang pagsusulat?

Bakit ko nga ba biglang naisipang bumili ng Dogeaters? Mayroong dahilan. Ang totoo, kuripot ako pagdating sa mga libro. Hindi lalampas sa PhP 300 ang normal na presyo ng librong binibili ko. Tsampiyon lang talaga ako pagdating sa paghahanap ng libro sa Booksale at National Bookstore Cubao. Sa katunayan, bago ko binili itong Dogeaters, dalawang beses pa lang ako bumibili ng librong lampas PhP 500 ang presyo. ‘Yung una, Asleep ni Banana Yoshimoto na nakilala ko lamang dahil sa rekomendasyon ni Akelberi. Kahit namamahalan ako, binili ko na rin dahil bertdey ko naman. Maganda yung libro. Simple at mabilis ang pagkakakuwento. Parang pagkain ng Maki sa Kamirori. Ayun, sakto. Para ngang Maki. Mabilis ang kuwento pero siksik at masarap. Ngunit wala pa ring tatalo sa Kitchen na binasa ko ng isang upuan sa Powerbooks dahil di ko mabitiwan. Tapos, pagkatapos basahin ang libro, naghanap agad ako ng Katsudon!

‘Yung pangalawang libro naman koleksyon ng mga tulang isinulat ni Jellaludin Rumi na binili ko sa Aeon kasi Pasko. Ampanget! Pasensya na kay Rumi at sa mga taga-hanga niya. Gusto ko yung tulang Like This pero wala ‘yun sa librong binili ko. Natuklasan kong hindi pala suwak sa akin ang koleksyong puro ispiritwal na paglalakbay ang tema. Para akong nagbabasa ng hangin, o sumasabay sa pag-ikot ng dervish pero dehins magtagumpay pumasok sa trance. Heh.

So, bakit ko nga binili ang Dogeaters? Mayroon na kasing dahilan. ‘Yung room mate kong nursing student sa CEU, gagawa ng book report tungkol sa isang Ingles na nobelang Pinoy ang sumulat. Dahil nalimutan kong dalhin ang Poon at The Pretenders ni F. Sionil Jose, mga librong required reading sa klase ni Picart noong freshman year, naisipan kong bumili na lang ng librong ipapahiram sa kanya. Ayos! Maluwag sa loob kong magbayad ng PhP 600+ para sa Dogeaters (na 4 years ago ko pa dapat binasa).

Isa iyan sa mga natuklasan ko sa aking sarili. Mas pinipili ko ang mga bagay na Kailangan kesa sa mga bagay na Gusto. Binili ko lang naman ang Dogeaters kasi Kailangan ng kaibigan ko. Kung hindi iyon Kailangan, baka hindi ko pa rin binili ang libro kahit apat na taon ko na iyong Gusto basahin. Delikado ang ganoong pag-iisip. Tama (na naman) si Shalom. Kelangan kong ipraktis ang kaisipang Go for Gold. Maganda nga ang merong pagtitimpi. Pero di naman tama na tuwing Pasko at Bertdey ko lang bibigyan ng Special Favors ang aking sarili. Lalo na pagdating sa mga bagay na talagang mahalaga sa akin.

Sa isang banda, isa rin siguro ito sa mga dahilan kaya mas gusto ko pang isipin ang problema ng mga batang nagugutom sa Ethiopia kesa sa mga isyung personal. Pagdating kasi sa totoong buhay, mahirap pala para sa akin ang makipag-usap sa salamin.

Sana nga ma-enjoy ko itong libro ni Hagedorn.

Sana rin hindi ako atakihin ng A.D.D. at pagsabayin ang Dogeaters saka Shampoo Planet ni Douglas Coupland na nabili ko rin kanina sa Booksale for (drum roll, please) PhP 65!

Inulan nga ako ng suwerte kanina sa book-hunting (puwede bang ambunan din ng suwerte sa job-hunting?). Bukod sa libro ni Coupland, naka-jackpot ako ng tatlong libro ni John Updike, ang aking bagong paboritong novelist. Nabili ko ang Rabbit Redux, Rabbit is Rich, at Rabbit at Rest ng PhP 50 each.

Sinong magpapahiram ng Rabbit, Run? :)

xxx

Kaninang umaga, nagising ako sa kantang Wish You Were Here ni Pink Floyd. Bagay sa tag-ulan (at inuman) ang kantang ito. At kanina, habang naglalakad sa ulan kasama ng aking kaibigan, ito ang linyang tumutugtog sa aking isipan:

“... we’re just two lost souls swimming in a fish bowl
year after year. Running over the same old song,
what have we found? Same old fears.
Oh, how I wish you were here.”

Ang galing.

Ganito ang pag-uusap sa bahay namin noong Linggo.

Daddy: Anak, ngayon dapat mas binabasa mo ang current affairs. Dapat manood ka ng news.

Ako: Okay. (Sabay basa sa librong Book of Eros nina Russo at Pond)

Mommy: Anak, ayaw mo bang kumuha ng exam sa (insert name of multinational company here)? Kuya mo kukuha ng exam sa (insert name of another multinational company here) next week. Subukan mo sa HR.

Ako: Ma, we can't all work for (insert name of multinational company here).

Ate Lanie: Ate Sigh, kumuha ka na lang kaya ng Law? Kaya mo 'yun kasi mahilig kang magbasa. Ikaw lang naman ang nagbabasa ng lahat ng libro dito sa bahay.

Ako: Hindi Law, mag-Librarian na lang kaya ako?

Ate Lanie: O kaya sumali ka sa Game Ka Na Ba. Masasagot mo na siguro yung jackpot question.


Aprub!

Kapag tinopak ako one of these days, sasali na ako sa noon time show (kerrrek!).

xxx

Naniniwala naman ako sa sinabi ko, eh. We can't all work for multinational companies. We can't all be lawyers. Iba-iba ang tawag sa ating lahat. Paano kung tinawag lang ako para magsulat ng teleserye (shet, SUGO!)? Paano iyon? Ibig sabihin ba 'nun, olats ako? Hindi ko maintindihan kung bakit merong template ng success ang mga tao. Hindi naman tayo pare-pareho, eh. At sino bang nagsabi na dapat lahat ng ginagawa natin merong Sense?

Kapag tinopak talaga ako ngayong linggo, sasali ako sa noon time show.

Kaya pala gusto nila si Wislawa Szymborska.

Pi

Wislawa Szymborska

The admirable number pi:
three point one four one.
All the following digits are also just a start,
five nine two because it never ends.
It can't be grasped, six five three five , at a glance,
eight nine, by calculation,
seven nine, through imagination,
or even three two three eight in jest, or by comparison
four six to anything
two six four three in the world.
The longest snake on earth ends at thirty-odd feet.
Same goes for fairy tale snakes, though they make it a little longer.
The caravan of digits that is pi
does not stop at the edge of the page,
but runs off the table and into the air,
over the wall, a leaf, a bird's nest, the clouds, straight into the sky,
through all the bloatedness and bottomlessness.
Oh how short, all but mouse-like is the comet's tail!
How frail is a ray of starlight, bending in any old space!
Meanwhile two three fifteen three hundred nineteen
my phone number your shirt size
the year nineteen hundred and seventy-three sixth floor
number of inhabitants sixty-five cents
hip measurement two fingers a charade and a code,
in which we find how blithe the trostle sings!
and please remain calm,
and heaven and earth shall pass away,
but not pi, that won't happen,
it still has an okay five,
and quite a fine eight,
and all but final seven,
prodding and prodding a plodding eternity
to last.


Translated by Joanna Trzeciak

Tuesday, September 13, 2005

60-40, Chess, at Open The Basket.

Dahil alam kong interesado kayo rito.

1. 60-40

"Desire/Want" ang "ibig" sa Ingles. "To Desire/Want" kung gayon ang ibig sabihin ng "Pag-ibig". Matapos ang lahat ng Nangyari at Hindi Nangyari, natuklasan kong ang pag-big ay nahahati sa bahagdang 60-40.

60% ang pagdidikta ng laman. Oo, mahalaga ang libog factor, mga kaibigan. Ito ang fundamental difference ng ating mga kaibigan at kinaka-ibigan. 60% ang epekto ng pagtitig niya sa akin. Ang tikas ng kanyang tindig. Ang ganda ng kanyang ngiti. Ang husay ng porma at pustura.

40% ang kanyang personalidad. 40% ang husay ng kanyang paninindigan sa buhay. Ang pagkakaroon niya ng direksyon sa propesyon. Ang paggalang niya sa kababaihan.

60% is what brings couples together. 40% is what makes them stay together. Ang malungkot, mabilis ma-polarize ang 60% kapag ibinabad sa solusyon ng Commitment. 60% man ang nararamdaman kong apoy sa puso ko kapag nakikita ko siya, anong silbi nun kapag abo na ang pagsinta?

40% ang magsasabi sa akin na kailangan kong manindigan kahit tupok na ang pagnanasa kong yakapin siya. Iyon ang commitment. Iyon ang pagpili. Ngunit hindi ba pinapatunayan ng 40% na 60% ang kulang sa pinaninindigan kong relasyon?

Noong bakasyon, nakilala ko ang lalaking tsampiyon sa 60% at umiskor din naman, maski pasang-awa, sa 40%. Ngunit nangamba ako dahil kung olats siya sa 40%, ibig sabihin ba nun nililibog lang ako sa kanya? Iniibig ko ba siya o ibig ko lang siyang makasama?

Hindi ko na masasagot ang katanungang iyon.

Noong nakaraang linggo, nakilala ko naman ang lalaking tsampiyon sa 40%. Masarap man siya sa paningin [:p] at masarap man siyang kasama, hindi ko maramdaman sa kanya ang 60%.

Mga kaibigan, ito ang pinagmulan ng cheapness na quote ni Joe D'Mango na "You don't choose love. Love chooses you." Hindi ko madidiktahan ang 60% kailanman. Meron man akong listahan ng non-negotiables para sa 40%, kung ayaw makipagtulungan ng 60% mananatili pa rin akong reluctant virgin mary.


2. CHESS

Tingin ko ang pagkakaroon ng relasyon ay laro ng Chess. The first step is to break down each other's defenses, dangerously exposing our egos (the vulnerable Kings) as we try to get closer to each other. We give, we take. Pawn for pawn. Queen for Roke. Knight for Bishop. Kapag nagkakaubusan na kayo ng mga depensa, doon matatapos ang laro. Merong na-checkmate, at merong panalo. Tapos ilagay natin ang lahat ng mangingibig sa isang malaking tournament kung saan naghahanapan tayong lahat ng mga kalaro: ang na-checkmate, hahanap ng manlalarong hindi marahas. Ang nang-checkmate naman, hahanap ng mas challenging na kapareha.

Sa huli, matutuklasan nating lahat na hindi pala tayo naghahanap ng mga taong iche-checkmate o ng taong mangche-checkmate sa atin. Ang gusto pala natin ay isang DRAW. Kung saan walang nananalo, walang natatalo. Kung saan hindi natatapos ang laro dahil sa wakas, I Found My Match.

Eh, paano ba ito. Hindi ako magaling mag-chess.


3. OPEN THE BASKET

Sa paghahanap ng trabaho, naglalaro tayo ng Open the Basket. Naroon ang mga trabahong gusto natin, pero naka-reserba na sa iba. Naroon ang mga basket na puwede sana nating puntahan kaso naunahan tayo ng iba. Naroon ang mga basket na ayaw nang iwan ng mga nagmay-ari. Meron namang mga basket na walang laman pero hindi mo naman trip puntahan at siguro pagbibigyan mo lang talaga kapag kapos ka na sa oras at wala nang ibang mapili.

Noong una akong sumabak sa larong Open The Basket, natakot ako sa posibilidad na wala akong mahanap na lugar para sa akin. Nalula ako kasi, tangina, ang daming basket pero wala akong mapaglagyan. Ngayon, matapos ang dalawang taong pamamalagi sa basket ng DepEd, natutunan kong sa larong Open the Basket, walang saysay ang Tanginang Basket kung walang laman.

Ako ang Laman.

Monday, September 12, 2005

Sana Simple Pero Hindi.

Dahil bakasyunista ako at maraming oras, naisipan kong mag-blog. Hehe. Ang totoo, okay naman sa akin ang blog, eh. Pinapadali nito ang sagot sa mga tanong na "Kumusta?" at "Sino ka?". Ayoko lang talaga na merong ibang bumabasa ng pinaggagagawa ko sa buhay ko na wala namang kinalaman sa akin. At dumating din pala ako sa puntong gusto kong magtago. Pero ibang kuwento na 'yun.

Kung alam mo ang address na ito, ibig sabihin meron akong tiwala ko sa iyo. Kung hindi kita trip at alam mo ang address na ito, tangina, bakit mo alam?

xxx

Masaya naman ako ngayon, eh. Lalo na kagabi noong muli akong nagbasa ng tula. At uminom ng malamig na San Miguel Beer. Shit, tama nga si Shalom. Hindi totoo na ayokong maging highlight ng aking buhay ang poetry reading. Ang totoo, GUSTO ko iyon. Iba ang high kapag nakakarinig ka ng bagong insight sa tula mula sa mga kasama mo, o kapag nakakarinig ka ng magandang metaphor, o bagong tunog. Waw. Paborito ko kagabi yung tula ni Naya tungkol sa Marikina shoes saka yung tula ni Arkaye na binasa ni Helen A. (anong title nun?).

Subalit kasabay ng pag-aming gusto ko ang mundo ng mga makata at manunulat, naroon ang pangamba. Alam ko kasing marami pa akong puwedeng gawin at marami pang ibang gustong gawin. Kaya nga ako mag-aaral ulit, eh. Gusto kong magbukas ang mga bagong pintuan sa akin. Gusto kong maniwala na maaaring maging marubdob ang pagmamahal ko sa dalawang propesyon.

Merong sinabi sa akin si Mommy Abi (Quinones-the-Enchantress) kagabi tungkol sa propesyon at paghahanap ng direksyon sa buhay. Habang tumotoma ng C2 iced tea (dahil kulang ang pera pambili ng beer), ikinuwento niya yung natutunan niya sa kapatid ni Bituin Escalante. Sino raw bang nagsabi na sa para maging successful sa career "you have to focus on one passion"? Bakit hindi natin subuking maging mahusay sa LAHAT ng ginagawa natin? Sino bang nagsabi na linear lang ang direksyon ng mga propesyon? Mga boring na tao lang yata ang nagdikta nun. Hindi ba't ayon sa batas ng Probability, maraming paraan para mahanap ang landas na gusto natin?

xxx

Sana ganun kasimple ang paghahanap ng direksyon. Pero alam naman nating hindi. Subalit sa isang banda, mas gusto ko ito. Kailan ko ba talaga pinili ang simple sa kumplikado? Kaya nga bobo ako sa Math, eh. Hindi ko ma-simplify ang mga punyetang equations. Kaya nga hindi pa rin ako nagkakaroon ng totoong Karelasyon, eh. Hindi ko kailanman maintindihan ang simpleng pagsinta. Ngunit anuman ang kinahinatnan ng mga pagpili ko sa buhay, alam kong akin ang mga desisyong iyon. Kapag pinabasa sa akin ni San Pedro o ni Satanas ang buhay ko, makikilala ko ang buhay na iyon.

xxx

Simple rin at masarap ang buhay ng walang trabaho. Aaminin ko, hindi ako masigasig maghanap ng trabaho ngayon dahil ang SARAP bawasan ang backlog sa aking reading list, magsulat, kumain ng libreng pagkaing masustansya sa bahay, magpaalaga sa mga magulang ko, alalahanin ang mga tao, at mag-isip ng iba't ibang alternative na propesyon. Siguro malakas ang aking loob maging unemployed kasi alam kong meron akong nakalaang budget sa aking pagbubuhay- tambay. Sa totoo lang, kung pera ng mga magulang ko ang ginagastos ko sa pagluwas sa Maynila, kakainin na ako ng aking kunsensya ngayon. Pero kailangan kong maging masigasig pagdating ng mga susunod na araw dahil delikado ang mag-enjoy sa ganitong lifestyle.

Bukas, lalarga ako sa Makati at Maynila.

Kumplikado nga.

Meron na nga ba akong blog?