« Home | Kuwentong nightshift. » | Asan si Lover Boy? » | Kagandahan » | Masarap magbasa ng tula. » | Ang Babaeng Aswang. » | Oh, those blogthings. » | Winter melon ang Ingles sa Upo! » | Uh-huh. » | 20 Random Things About Myself (Tagged by Richelle!) » | Filler, filler. »

Posible.

Dahil malakas ang ulan at di kami makalabas ng boarding house, nagluto ang aking housemate ng yummy adobo, tahong with malunggay at kinilaw na isda. Piyesta! Sa halagang PhP 320 meron nang pagkain para sa tatlong tao: pang-tanghalian at hapunan pa! Kaya nagdesisyon na ako na mag-aral magluto. Habang kasama pa namin sa bahay si Ate Lanie na mahusay sa kusina.

Balita: merong boyfriend ang Ate Lanie ko. UP graduate ng Metallurgical Engineering. Medyo matanda nga lang sa edad na 52 pero mabait at masikap. Sa mga di nakakaalam, si Ate Lanie ang kasama namin sa bahay. 18 years na siya sa pamilya namin. Hindi siya nakatapos ng high school pero pinag-aral niya ang kanyang mga kapatid, nakabili na siya ng maliit na lupa, meron siyang savngs account, insurance, lote ng lupa kung saan siya ililibing, at nag-invest siya sa alahas. Ngayon, ka-opisina na siya ng nanay ko sa LTO. Siya ang assistant ng kahera na nagdadala ng pera sa banko araw-araw.

Matagumpay si Ate Lanie para sa akin. Bakit? Kasi binago niya ang ibig sabihin ng posible para sa mga taong katulad niya ang katayuan sa buhay. Tapos ngayon, ang bufra niya UP alumnus! Di ba ang galing? Lagi ko nga siyang kinukulit na ipasulat sa akin ang kuwento ng buhay niya. Ipapasa namin sa Gulong ng Palad at Ang Tangi Kong Pag-ibig ni Tiya Dely. Ayaw niya sa Maalaala Mo Kaya kasi baka raw mapanood ng kanyang mga kapatid.

Dahil meron nang seryosong bufra si Ate Lanie (10 years siyang Singular, by the way), hindi malayong mag-asawa na siya. Hmn. Hindi ko maisip ang hitsura ng pamilya namin kapag wala si Ate Lanie. :( Roommates kami simula pa noong nagdalaga ako. Mahigit sampung taon din. Siya ang una kong pinagsumbungan na “meron” na ako dahil nadi-dyahe akong ipaalam sa aking nanay. Siya lang ang nakakaalam ng gusto kong timpla sa kangkong with beef tapa. Higit sa lahat, Ate na kasi siya para sa akin.

Ngunit alam ko rin namang kailangan niyang gawin kung anong magpapasaya sa kanya. Malaki rin ang kanyang isinakripisyo para sa aming pamilya. Alam ko rin na isa sa mga pangarap niya ang magkaroon ng sariling pamilya. Kung anuman ang maging desisyon niya, kung anumang pagbabago ang kailangan para maging masaya siya, igagalang namin iyon.

-oOo-

Natutuwa ako sa aking trabaho ngayon kasi marami akong natututunan tungkol sa mga lugar na balak kong puntahan balang-araw. Namamangha ako kay Michaelangelo (painter ng Sistine Chapel ceiling), Sir Thomas Raffles (nakadiskubre ng Borobudur Temple, Rafflesia flower, at Singapore), at mga artist ng Sailendra Dynasty (naglilok at nagtayo ng Borobudur Temple 400 years bago nila naisipan sa Europe gumawa ng cathedral). Noong panahon na iyon, matagal at mapanganib ang maglakbay sa dagat. Tuwing merong araw ka lang talaga makakatrabaho dahil walang kuryente. Wala rin teknolohiya at kagamitan upang mapadali ang pagbubuhat ng volcanic rocks at paglililok ng buong buhay ni Buddha sa mga batong iyon. Ngunit nagawa nilang posible ang Borobudur Temple, Singapore, at Sistine Chapel.

Kung noong panahong iyon nakagawa sila ng mga pambihirang bagay, paano pa kaya kung nabuhay sila sa panahong ito? Ano kaya ang maaari pa nilang gawin?

Palaisipan sa akin kung bakit sa paglipas ng panahon nagiging manipis ang kapasidad ng taong magtiyaga. Dahil ba sa mabilis ang takbo ng buhay ngayon? Dahil ba sa napadali ng teknolohiya ang mga buhay natin?

Nakakakilabot para sa akin itong mga remake songs sa music industry dahil ipinapahiwatig nitong nahihirapan lumikha ng Bagong Tunog ang mga musikero. Minsan, naitatanong ko sa aking sarili: Posible kayang dumating ang panahon na wala nang malilikhang bago ang tao? Na sobrang kumportable na ang buhay o di kaya, wala nang gana mabuhay ang mga tao kaya lethargic na tayong lahat?

Umandar na naman ang kapraningan ko.

Pero ito, seryoso. Noong panahon na iyon hindi pa isyu ang wealth distribution, birth control, at migration. Kumpara sa mga kabataan ngayon, wala rin silang masyadong options sa kanilang kapalaran. Ngayon, kahit mas kumplikado ang buhay, mas maraming posibilidad na nakabukas para sa ating lahat. Masuwerte tayo sa panahong ito. Pero sana, kasama ng suwerteng iyon, meron din tayong tiyaga para i-redefine ang mga posibilidad na nakabukas sa atin. Sana sa henerasyon natin magkaroon ng maraming Michaelangelo at Sir Thomas Raffles at Ate Lanie na titibagin ang limitasyong inilagay ng lipunan sa konseptong “posible”.

-oOo-

Posibleng hindi na masaya ang housemate ko sa kanyang bufra na writer sa ad agency. Hindi lang siya makakalas dahil sinusustentuhan siya ng lalaki. Wala silang anak, ah. Binabakuran lang talaga siya nitong si Lamberto. Tipong kahit ayaw niyang tanggapin ang pera ni bufra eh idinedeposito iyon diretso sa account niya. Ano pa nga bang magagawa ni ineng, di ba?

Sa basa ko, ginagamit ni Lamberto ang pera para mahiya ang housemate kong iwan siya. Eh, itong housemate ko pa naman medyo tanga-tanga sa pag-ibig. Siya ‘yung tipong tumanggi pumunta ng Netherlands para papag-aralin ng kanyang tita kasi ayaw ni boyfriend. Ano ba, hija?

Gusto ko sanang sabihing lalaki lang si Lamberto at madali siyang palitan. Lalo pa kung ganoon ka-immature at di pa kaguwapuhan. Marami pang iba diyan. Sa ganda ng housemate ko at sa husay niya magluto, marami pa siyang mahahanap na higit kay Lamberto. At siguro naman mas maganda ang pangalan. Tunog nagtataeng tupa kasi ang “Lamberto”. Pero ano ang karapatan kong pagsabihan siya? Maiintindihan ba ng puso ko ang zazazu ng puso niya para kay Lamberto?

Imposible.

Kanya-kanya talaga tayo ng katangahan.

-oOo-

Posibleng Valentina/Medusa/Persephone ang costume ko sa aming Halloween party sa Tuesday. Meron akong paldang itim na binigyan ni Katoons ng moniker na “The Skirt That Will Rule The World”. Natuklasan kong di lang pala ito palda. Puwede rin itong gawing tube dress. Ahehehe. Tapos magsusuot ako ng hairnet na pinuluputan ng gummy worms! Kinakarir ko itong costume kasi merong cash prize na isang libo. Pag nagkataon, solb na ako sa Pasko! :)

-oOo-

Ang totoo, masama ang pakiramdam ko ngayon kaya ako nagba-blog. Di ata kinaya ng katawan ko ang puyat ngayong linggo. Kahit sabihin pa nating nocturnal naman talaga ako, iba pa rin ang nakakatulog sa gabi. Bagsak ang katawan ko ngayong weekend. Nalilito ata ang katawan ko kung matutulog siya o hindi kaya mina-migraine ako ng malupit.

Achachacha!

Wala nang patutunguhan ang blog entry na ito kaya titigil na ako.